Mahigit sa 40 pasyente ang inoobserbahan pa rin sa Philippine General Hospital o PGH, makaraang malason sa ininom na lambanog sa Rizal, Laguna.
Sa pinakahuling update na ibinigay ni PGH Spokesman Dr. Jonas del Rosario, ngayong araw ng Pasko ay nasa 42 pa ang patuloy na bininigyan ng atensyong-medikal sa PGH.
17 rito ang nasa emergency room o ER, kung saan 2 pasyente ang nasa red zone o kritikal, 14 ang nasa yellow zone o mga biktima na kailangan ng agarang medical attention, at 1 sa green zone o non-urgent patient.
24 naman sa kabuuang bilang ng mga pasyente ang nai-akyat na sa ward at isa ang nasa Intensive Care Unit o ICU o nasa kritikal na kundisyon at sumasailalim sa dialysis.
Sinabi ni Dr. Del Rosario na nakalabas na ng PGH ang ilan sa mga pasyente, kabilang na ang tatlong menor de edad na nakainom din ng lambanog.
Nauna nang kinumpirma ni Dr. Del Rosario na ang mga pasyenteng isinugod sa PGH ay nasa pagitan 13 hanggang 75-anyos.