Sinira ng Bagyong Ulysses ang 44 na transmission lines ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa ilang lugar sa Central Luzon kahapon.
Bagama’t naibalik na ang supply ng kuryente sa ilang bayan, may ilan pa rin ang isinasailalim sa restoration works.
Hanggang kagabi, lahat ng barangay sa Apalit, Pampanga ay may supply na ng kuryente maliban sa Cansenala, Purok 5 at 6 ng Sto. Rosario.
Naibalik na rin ang supply ng kuryente sa lahat ng barangay sa Macabebe, maliban sa Candelaria; Sta. Maria Libutad, Mataguiti, San Jose, Castuli, Sapang Malalam, Ilog Maisak, San Esteban, Mindanao, Dalayap, Consuelo, Tacasan at Saplad David.
Balik na rin ang suplay ng kuryente sa lahat ng barangay sa Sto. Tomas habang may mga barangay pa rin sa Masantol, Minalin, San Simon ang wala pang kuryente hanggang ngayon.
Kabilang din sa mga wala pang supply ng kuryente ay ang mga residente sa coastal areas ng Pampanga pero tiniyak naman ng Pampanga Electric Cooperative (PELCO 3) na ipagpapatuloy nila ang restoration works ngayong araw.
Naibalik na rin kaninang madaling araw ang serbisyo ng elektrisidad sa ilang lugar sa lalawigan ng Bulacan.