Doble-dagok ang nararanasan ngayon ng mahigit 400 basurero at street sweeper sa Quezon City dahil bukod sa COVID-19 pandemic ay nawalan pa sila ng hanapbuhay.
Ito ay matapos na hindi na ni-renew ng lokal na pamahalaang lungsod ng Quezon ang kontrata sa pinaglilingkuran nilang kumpanya.
Ayon kay Edwin Tolentino, kinatawan ng mga garbage collector, ang IPM Contractor Development Corporation ay isa lamang sa apat na garbage collector na kinuha ng Quezon City Local Government Unit (LGU).
Nang matapos na ang kontrata ay inabandona na ng IPM ang mga empleyado nito.
Paliwanag naman ni IPM Vice President for Legal Roland Mesia, hindi pa napupuntahan ng kumpanyang kinuha nilang subcontractor ang mga basurero at street sweeper para makipagdayalogo.
Tiniyak niya na hindi naman nila pababayaan ang mga empleyadong nawalan ng trabaho dahil ililipat naman nila ito sa ibang proyekto ng kompanya.
Mayroon din aniyang ayuda silang ibinigay sa mga ito habang ibibigay din ang mga benepisyo sakaling hindi nila tanggapin ang ibang assignment.