Mahigit 400 na pasahero ang nananatiling nag-aantay ng masasakyang bus sa 5-Star terminal sa may EDSA, Cubao.
Karamihan sa mga ito ay biyaheng Pangasinan, Nueva Ecija, Cagayan Valley at Bulacan.
Pahirapan pa rin ang pagsakay dahil sa kakaunting bus na dumarating.
Ayon kay Pat Reyes, dispatcher ng 5-star, dumoble kasi ang dami ng kanilang pasahero na gustong makauwi sa kani-kanilang mga probinsya upang makapagdiwang ng Pasko at Bagong Taon.
Aniya, kung ikukumpa sa halos 300 na pasahero noong December 23 ng 2021 , sa ngayon tinatayang nasa 900 na ang pasahero na napapasakay simula kaninang umaga.
Giit ni Pat, masyado kasing marami ang tumatangkilik sa kanilang serbisyo kung kaya’t dagsa ang pasahero.
Aniya, pahirapan ang pagbalik ng kanilang mga bus dahil matindi rin ang traffic sa mga bayan na dinaraanan ng mga ito.
Pero, matiyagang nag-aantay ang mga pasahero dahil may sistema naman sa pila at may dumarating naman na bus.
Kung mahaba ang pila sa 5-star terminal, mabilis namang nakakasakay ang mga pasahero sa Solid North bus terminal na biyaheng Pangasinan at Baguio City.
Halos kada 15 minutes ay may bus na dumarating.
Inaasahan namang mas dadagsa ang mga bibiyahe bukas, bisperas ng Pasko lalo pa’t idineklarang holiday ang araw ng Lunes.