Mahigit 400 pamilya sa CALABARZON, MIMAROPA at Bicol Region, lumikas dahil sa epekto ng bagyong Ofel

Umabot sa 419 na pamilya ang napilitang lumikas dahil sa epekto ng pananalasa ng bagyong Ofel sa ilang mga bayan sa CALABARZON, MIMAROPA at Bicol Region.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, 127 na pamilya ang lumikas sa sampung barangay sa Camarines Norte, Camarines Sur at Sorsogon matapos makaranas ng landslide at pagbaha sa kanilang lugar.

Sa ngayon, nananatili sa mga evacuation center ang mga lumikas na pamilya.


Sa CALABARZON naman, 134 pamilya o katumbas ng 263 indibidwal ang lumikas din dahil sa mga naranasang pagbaha at landslide dulot ng bagyo.

Ito ay mula sa Lucena City Quezon, Bauan Batangas at Los Baños Laguna.

Pansamantalang nananatili ngayon sa 13 evacuation centers ang mga pamilyang lumikas.

Sa MIMAROPA, 158 pamilya o katumbas ng 665 indibidwal ang napilitan ring umalis sa kanilang mga bahay dahil sa epekto ng bagyo.

Ang mga lumikas ay mula sa bayan ng Puerto Galera, Bulalacao, Calapan at Baco na ngayon ay pansamatalang nananatili sa mga evacuation center.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang monitoring ng NDRRMC sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Ofel para mabigyang ayuda ang mga apektadong pamilya.

Facebook Comments