Kinwestyon sa pagdinig ng Senate Committee on Finance ang mahigit 400 na security personnel at ang ₱500 million na confidential at intelligence fund ng Office of the Vice President (OVP).
Humarap si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng Senado para sa ₱2.385 billion na pondo ng OVP para sa taong 2024.
Sa budget hearing ng OVP, tinanong ni Senator Imee Marcos ang tungkol sa mahigit 400 security detail ng OVP sa ilalim ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
Kinumpirma ni Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio na mayroong 433 VPSPG personnel hanggang nitong December 2022 na layong makapagbigay ng security services sa OVP at ang paglikha ng VPSPG ay para sa proteksyon ng kasalukuyan at mga susunod pang vice president.
Pinuna ni Sen. Marcos ang tungkol sa mataas na bilang ng mga tauhan ng VPSPG pero paliwanag naman dito ni Ortonio, ang determinasyon sa kinakailangang bilang ng security personnel ay nakadepende sa assessment ng AFP at PNP.
Sinuportahan din ito ni Finance Committee Chairman Sonny Angara na hindi naman sabay-sabay at shifting naman ang duty ng mga security personnel na nakakalat din sa mga satellite offices ng OVP.
Samantala, binusisi naman ni Senator Risa Hontiveros ang ₱500 million confidential and intelligence funds ng OVP sa 2024 kung saan kinukwestyon nito kung aling mandato sa tanggapan ng Bise Presidente ang popondohan ng CIF.
Tugon naman dito ni VP Duterte, ang lahat ng proyekto ng OVP ay popondohan ng CIF para matiyak ang ligtas at matagumpay na implemetasyon ng mga programa, proyekto, at aktibidad ng ahensya gayundin ng mga satellite offices ng OVP.
Ikinakabahala naman ni Hontiveros na dapat ay walang hiwalay na intelligence fund ang OVP at posibleng magresulta lamang ito sa redundancy at duplication ng efforts ng mga ahensyang nakatutok sa intelligence at surveillance gathering.
Sa huli ay inaprubahan din ng komite ang ₱2.385 billion na pondo ng OVP sa 2024 na mas mataas ng 1.22% kumpara sa ₱2.356 billion na pondo ngayong taon.