Mahigit sa 4,000 COVID-19 vaccines ang nasayang ayon sa Department of Health (DOH).
Sa briefing ng House Committee on Health, iniulat ni Health Usec. Myrna Cabotaje na aabot sa 4,528 doses ng COVID-19 vaccines ang “total wastage” ng mga bakuna na naitala mula noong Marso hanggang Agosto a-bente.
Iba-iba rin aniya ang kadahilanan ng pagkasayang ng mga bakuna.
Pero agad na nilinaw ni Cabotaje na kakaunti lamang ang bilang na ito, kumpara sa kabuuang bilang ng mga bakunang nai-rollout sa buong bansa.
Dagdag ng opisyal, maliban sa mga nasunugan o nagka-isyu sa temperatura, sa kabuuan ay naging maingat at “well-managed” o maayos ang sitwasyon sa mga cold chain para sa mga bakuna kontra COVID-19.
Batay sa huling datos ng DOH, higit 33 million doses ng bakuna ang naiturok na mula nang magsimula ang vaccination program at higit sa 13.7 milyong indibidwal na sa Pilipinas ang ganap nang bakunado o nakakumpleto na ng COVID-19 vaccine.