Target ng gobyerno ng ma-develop for reforestation ngayong taon ang 46,265 ektaryang lupain sa bansa.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isinagawang tree planting sa San Mateo, Rizal na kung saan ay nabigyang-diin ang kahalagahan ng pagtatanim sa pagsasalba sa inang kalikasan.
Ayon sa pangulo na maliban sa nasabing lawak ng lupaing na ide-develop para maging reforestation ngayong 2022, target din partikular ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maging enhanced national greening program sites ang may 11,631 na ektarya sa 2023.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na higit kaysa sa mga oportunidad na maaaring maibigay ng ganitong mga hakbang para sa kalikasan ay mas mahalagang makita ang ginagawang pamumuhunan para sa ating kapaligiran.
Sa pamamagitan aniya ng mga aksyon na may kinalaman sa pangangalaga sa kalikasan gaya ng reforestation o pagtatanim ng puno ay matitiyak na may maiiwang ligtas na daigdig sa mga susunod pang henerasyon na maaring tawaging pamana para sa mga kabataan.
Si Pangulong Marcos ay nagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayong araw at ang pagtatanim ang isa sa kanyang naging aktibidad.