Mahigit 47,000 indibidwal sa Pangasinan, apektado ng Bagyong Uwan

Umabot na sa 12,270 pamilya o katumbas ng 47,679 indibidwal ang naapektuhan ng Super Typhoon Uwan sa lalawigan ng Pangasinan mula Linggo ng gabi hanggang Lunes ng umaga, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Batay sa pinakahuling datos ng PDRRM, dakong 5:00 ng umaga nitong Lunes, ang mga apektadong pamilya ay mula sa 255 barangay sa 25 munisipalidad at isang lungsod sa buong probinsya.

Ayon kay Pia Flores, pinuno ng PDRRMO Emergency Operations, patuloy pa ang isinasagawang assessment kaya inaasahang madaragdagan pa ang bilang.

Nasa 8,290 pamilya o 27,216 indibidwal ang lumikas sa mga evacuation centers, kabilang na ang mga inilikas nang maaga, sapilitang umalis sa kanilang mga tahanan, at mga nasagip sa gitna ng bagyo.

Iniulat din ng PDRRMO ang pagtaas ng tubig-dagat o storm surge sa mga baybayin ng Dagupan City, Lingayen, Binmaley, at San Fabian.

Umabot umano hanggang dibdib ang lebel ng tubig sa baybayin ng Lingayen sa kasagsagan ng bagyo bago ito humupa kinabukasan.

Maraming punongkahoy, poste ng kuryente, at ilang bahay ang nasira ayon sa mga ulat ng lokal na pamahalaan, habang nagpapatuloy ang clearing operations sa mga kalsadang may debris at harang.

Ilang lugar pa rin sa probinsya ang nakararanas ng brownout at mahinang signal ng komunikasyon.

Inaasahan ang malalakas na pag-ulan hanggang ngayong araw habang nananatili ang lalawigan sa ilalim ng yellow rainfall advisory.

Sa kasalukuyan, walang naibalitang nasawi o nasugatan, at isinailalim na rin ang buong lalawigan sa state of calamity.

Facebook Comments