Mahigit 50 dayuhan, naisyuhan ng birth certificate sa Davao del Sur

Aabot sa 54 na mga dayuhan ang naisyuhan ng birth certificate ng local civil registry ng Sta. Cruz, Davao del Sur.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, natalakay na ang bilang na ito ay bahagi ng 1,501 na birth certificate na inisyu ng local civil registry ng lalawigan mula 2016 hanggang 2023 para sa mga dayuhan na karamihan ay mga Chinese.

Ang mga dayuhang ito ay walang magulang na nakadeklarang Pilipino pero nabigyan ng birth certificate.


Ayon sa legal officer ng bayan ng Sta. Cruz na si Atty. Ryonnel Cabardo, kasalukuyan na nilang tinututukan ang imbestigasyon ng mahigit 1,500 na birth certificate dahil ang mga pangalan ay tunog dayuhan.

Sinabi naman ni Sta. Cruz Mayor Jose Nelson Sala Jr., bumuo na sila ng ad hoc committee para imbestigahan ang isyu at sinuspindi na rin ang sangkot na local civil registrar.

Tinukoy ni Senator Alan Peter Cayetano na batay sa record ng Philippine Statistics Authority (PSA), kabilang sa top 5 na nag-i-isyu ng mga peke na birth certificates ay Manila, Caloocan, Quezon City, Pasay City at Pasig City.

Facebook Comments