Dumating na kahapon sa Basilan ang mga karagdagang pulis na ipinadala matapos masangkot sa katiwalian bilang bahagi ng internal cleansing ng Philippine National Police sa kanilang hanay.
Lulan na isang barko, 51 na mga pulis ang dumating kahapon sa Isabela City Pier.
May ilang pulis din ang hindi sumipot sa kanilang bagong assignment at ang iba ay hindi muna ipinadala dahil may mga nakatakdang hearing sa korte.
Matatandaang 50 tiwaling pulis ang naunang ipinadala sa Basilan, sa utos na rin ni Pangulong Duterte, upang magpatrolya sa mga lansangan nitong bilang bahagi ng Basilan Task Force.
Sa kanilang pagdating ay agad silang dinala sa Provincial Police Office para sa orientation at sumailalim din sila sa drug test at medical exams.
Samantala, sisilipin naman ng PNP Internal Affairs Service (IAS) Office ang hindi umano pagtutugma ng listahan ng mga tiwaling pulis na naibigay kay Pangulong Duterte bunsod na din ng reklamo mula sa ilang pulis na hindi kasama sa unang listahan ngunit napasama naman sa ikalawang inilabas na listahan.
Mayroon din umanong mga pulis na napasama sa listahan ngunit hindi naipadala sa listahan.
Hinimok naman ng PNP sa mga naapektuhang pulis na magsampa ng kaukulang reklamo upang ito’y maimbestigahan.