Cauayan City, Isabela- Umakyat na sa 365 magsasaka ang apektado ng pagkalat ng sakit ng kanilang mga alagang baboy sa ilang bayan sa Isabela dahil sa African Swine Fever (ASF).
Ito ay makaraang magpulong ang lahat ng mga alkalde sa buong probinsya.
Ayon kay Atty. Elizabeth Binag, Provincial Information Officer, tiniyak ng pamahaalan ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga apektadong magsasaka upang makabawi sa kanilang hanapbuhay na nawala.
Kinabibilangan ng mga bayan ng Quezon, Roxas, Aurora, Luna, Mallig, Ramon, Echague at San Mateo ang mga naapektuhan ng nasabing usapin ng mga pagkamatay ng ilang alagang baboy.
Ayon naman kay Provincial Veterinarian Dr. Angelo Naui, umabot na sa 2,135 na alagang baboy ang isinailalim sa culling dahil sa ASF outbreak kung saan 5,369 ang namatay batay sa ulat ng mga Municipal Agriculture Offices (MAOs).
Unang pumutok ang balita na mayroon ng first outbreak ng ASF nitong Pebrero 2020 hanggang sa ikalawang linggo ng Mayo kung saan 4,664 na baboy sa 41 barangays na kinabibilangan ng 16 municipalities ang apektado nito.
Giit pa ni Dr. Naui, madaling makahawa ang mga alagang baboy na positibo sa ASF dahil sa ilang paraan gaya ng pagbili ng mga negosyante, private livestock technicians, ambulant vendors ng gulay, isda at karne o ang tinatawag na ‘pabaon na karne’ mula sa mga apektadong barangay.
Isa ring dahilan ng pagkalat ng ASF ay sa sistema ng ‘pauraga’ mula sa pagkatay sa mga barangay na hindi dumaan sa tamang proseso.
Nakipagpulong din ang LGU Isabela sa bangko para sa gagawing pag-utang ng mga commercial farmers upang makabawi sa kanilang pagkawala ng mga alagang baboy.