Mahigit 5,000 pulis, ipapakalat ng NCRPO sa mga eskwelahan sa Metro Manila

Inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na may kabuuang 5,233 na mga tauhan kabilang ang mga force multipliers ang nakahanda na i-deploy sa 1,212 na mga paaralan sa Metro Manila.

Ito’y upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan, seguridad at kaligtasan ng publiko sa darating na panahon ng pagbubukas ng klase sa Lunes, Agosto 22, 2022.

Ayon kay NCRPO Chief PBGen. Jonnel Estomo, may mga nakareserba silang tauhan para sa karagdagang pwersa anumang oras na kakailanganin sila.


Patuloy rin aniya ang police visibility operation at koordinasyon sa mga opisyal ng paaralan upang palakasin ang pagtutulungan upang makamit ang isang ligtas, maayos at mapayapang balik-eskwela ngayong taon.

Bukod dito, nakahanda na ang pagsasaayos ng deployment ng mga tauhan, na aabot 1,033 sa Police Assistance Desks.

384 na motorcycle patrols, 38 police personnel ng EOD/K9, 74 para sa bus marshals; 90 sa mga terminal hub 318 tauhan para sa “Libreng Sakay” at 3,296 BPATS & Force Multipliers.

Hinihimok ni Estomo ang publiko na manatiling mapagbantay at sundin ang minimum health standard protocols upang maprotektahan ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya hindi lamang sa panganib ng COVID-19 kundi upang hindi maging biktima ng mga lawless elements.

Facebook Comments