Mahigit 50,000 mga pulis, ide-deploy sa kaliwa’t kanang kilos protesta sa linggo

Aabot sa mahigit 50,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang ikakalat para sa malawakang kilos-protesta sa darating na Linggo, Setyembre 21.

Ayon kay acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang hakbang ay para tiyakin ang seguridad ng mga raliyista lalahok sa mga pagkilos.

Kabilang sa deployment ang halos 10,000 pulis sa mga fixed visibility post, mahigit 17,000 sa mobile patrol, 3,000 na tutulong sa traffic management, higit 9,000 na itatalaga sa mga checkpoints, halos 6,000 sa crowd management, nasa 4,500 na reactionary standby support force, at 415 drone operators para sa monitoring.

Kasunod nito, tiniyak naman ni PNP Public Information Chief PBGen. Randulf Tuaño na nakahanda ang bawat team na rumesponde upang matiyak ang mapayapa at maayos na daloy ng mga pagtitipon.

Bukod dito, nakaalerto rin ang PNP sa transport strike na nagsimula ngayong araw hanggang sa Biyernes.

Isa sa kanilang tututukan ay ang posibilidad ng pangha-harass laban sa mga tsuper na hindi sasama sa tigil-pasada.

Facebook Comments