Mahigit 50,000 SIM’s na gamit sa fraud, na-deactivate at na-block ng Globe

Mahigit sa 50,000 na SIM ang na-deactivate at inilagay ng Globe sa blacklist noong 2022 kaugnay ng pinaigting na kampanya nito laban sa naglipanang online fraud.

Bilang parte ng mas pinalakas na inisyatibo para maprotektahan ang mga konsyumer, nag-deactivate ang Globe ng 20,225 na SIMs at blinock naman ang 35,333 na SIMs na may kinalaman sa mga scam at spam messages noong nakaraang taon.

Dagdag pa ito sa halos 2.72 bilyon na scam at spam messages na naharang noong 2022 kung saan ang 83.4 milyon ay may kaugnayan sa mga bank transaction. Bago pa man maisabatas ang SIM Registration Act, nagsasagawa na ng mga hakbang ang Globe para protektahan ang mga kostumer laban sa scam messages at iba pang fraudulent activities gamit ang mga SIM.


“Globe recognizes the growing threat posed by scammers, who use various tactics, including text messages, to deceive innocent victims into giving up personal information that could be used to compromise their financial accounts.  We will continue to invest in our cybersecurity program to protect our customers from these unscrupulous individuals,” ayon kay Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng Globe.

Sa programa ng Globe, mabilis nitong dine-deactivate ang mga SIM sa ilalim ng network nito sa sandaling ma-detect na may kinalaman ito sa fraud. Gayundin, ang mga SIM naman sa labas ng network ng Globe ay automatic na blacklisted para hindi na makapag-send ng messages sa mga Globe subscribers.

Batid ng Globe ang kahalagahan na maproteksiyunan ang mga kostumer kontra mga masasamang loob online. Patuloy na nakikipagtulungan ang Globe sa iba’t ibang financial institutions para mabilis na maharang ang mga kahina-hinalang SMS.

Mayroon ding Stop Spam portal ang Globe kung saan maaaring mag-report ang mga kostumer kapag  nakatanggap ng spam at scam messages. Naglunsad din ito ng awareness at education campaign para palawigin ang kaalaman ng mga kostumer nang maprotektahan nila ang kanilang mga sarili laban sa online scammers.

Para naman mas mabawasan ang dumaraming bilang ng reklamo sa mga hindi rehistradong numero sa likod ng mga cybercrime, isinulong ng pamahalaan ang Republic Act No. 11934 o mas kilala bilang SIM Registration Act. Sa ilalim ng batas na pinirmahan noong Oktubre 2022, lahat ay kinakailangang irehistro ang mga SIM sa kani-kaniyang mga network provider.

Facebook Comments