Nakumpleto na ang kabuuang deliveries ng mahigit 54 million doses ng Sinovac vaccines na binili ng Pilipinas sa China sa pamamagitan ng Asian Development Bank.
Kasunod ito ng pagdating sa bansa ngayong umaga ng 3,530,400 doses ng Sinovac.
Ayon kay Secretary Carlito Galvez Jr. ng National Task Force Against COVID-19, kasama na sa mahigit 54 million doses ng kabuuang Sinovac vaccines na nai-deliver sa bansa ang 2 million doses na donasyon ng China sa Pilipinas.
Pinasalamatan din ni Galvez ang Chinese government sa hindi pagkaantala ng deliveries ng mga bakuna.
Bukod sa mga opisyal ng Philippine government, sumalubong din sa pagdating ng bakuna si Chinese ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Umaasa naman si Ambassador Huang na makakatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas at sa masayang Pasko ng mga Pilipino ang Sinovac vaccines na nai-deliver sa Pilipinas.