Aabot sa mahigit 600 panukala ang naiproseso ng Kamara sa ilalim ng liderato ni Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon kay Majority Leader Martin Romualdez, sa kabila ng hamon ng COVID-19 pandemic ngayong taon ay nanatili ang Mababang Kapulungan sa pagtupad ng mandato na magpasa ng batas na makakatulong para sa pagsasaayos sa buhay ng mga Pilipino.
Mula October 12 hanggang December 16 sa ilalim ng pamumuno ni Velasco ay naiproseso ang nasa 688 na panukalang batas o 115 measures sa kada sesyon.
Pinakamalaking panukala na naaprubahan sa ilalim ng pamunuan ni Velasco ay ang P4.5 trillion na 2021 national budget.
Sinabi ni Romualdez na hindi magiging posible ang accomplishment na ito kung hindi dahil sa ibayong pagsisikap ng Speaker, ng mga kongresista sa parehong mayorya at minorya, mga congressional staff at mga kawani sa Kamara.
Samantala, mula July 22, 2019 hanggang nitong December 16, 2020 ay nasa 2,598 na panukalang batas ang naiproseso sa loob ng 74 session days.
Sa bilang na ito, 40 ang naisabatas na, 16 ang naisumite na sa Pangulo, at 453 naman na panukala ang pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa.