Mahigit 60,000 family food packs, kailangan ng Western Visayas upang masuportahan ang nasa 20,000 pamilyang apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon

COURTESY: XSR Adventures/Facebook

Nangangailangan ng 60,945 family food packs para sa 20,805 pamilya para sa susunod na 15 araw ang Region 6 o Western Visayas.

Ito’y para masuportahan ang mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), ligtas ang lahat ng evacuation centers kung saan dinala ang mga apektadong pamilya mula sa panganib ng pagbaha at landslides.


Patuloy ring inaalam ng OCD Region VI ang mga kakulangan sa mga evacuation center.

Nabatid na nagpadala na ng 80,000 family food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Negros Island.

Pinagana na rin ang Regional Task Force Kanlaon Emergency Operation Center sa Bago City, habang ang Inter-Agency Coordinating Cell ay bubuksan sa Bacolod City.

Samantala, iniulat din ng NDRRMC na may agarang pangangailangan ng family tents at tubig ang Central Visayas.

Sinabi ng tanggapan na naghahanda na rin ang National Capital Region sa pagpapadala ng 1,000 family tents at water supplies sa apektadong komunidad.

Facebook Comments