
Ayon sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa mahigit 600,000 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Basyang at shear line.
Katumbas ito ng mahigit 100,000 pamilya mula sa mahigit 1,000 barangay sa Region 6, Negros Island Region, Region 7, 8, 10, 11, at CARAGA.
Nasa halos 60,000 indibidwal, o mahigit 16,000 pamilya, ang kasalukuyang nananatili sa mahigit 400 evacuation centers. Samantala, nasa mahigit 26,000 indibidwal, o katumbas ng mahigit 7,000 pamilya, ang nananatili sa labas ng mga evacuation center.
Walang naiulat na nasawi dahil sa nasabing sama ng panahon.
Sa kabuuan, 1,373 kabahayan ang naitalang nasira: 1,203 dito ay partially damaged, habang 170 ay totally damaged mula sa NIR, Region 10, at CARAGA.
Patuloy ang isinasagawang assessment sa mga nasirang imprastraktura at agrikultura sa buong bansa.










