
Lumobo pa sa 156,477 na pamilya o katumbas ng mahigit 659,000 na indibidwal ang apektado ng pinagsamang epekto ng Bagyong Opong at ng nagdaang Bagyong Nando at Mirasol.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga apektado ay mula sa 1,438 na barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), Gitnang Luzon, National Capital Region (NCR), CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at BARMM.
Sa nasabing bilang mahigit 13,000 na katao pa ang pansamantalang nanunuluyan sa 500 evacuation centers sa mga nabanggit na rehiyon.
Base pa sa datos ng NDRRMC, 11 ang naiulat na nasawi, 11 din ang sugatan o nasaktan, at isa ang naitalang nawawala sa pananalasa ng bagyo na patuloy pang beneberipika.
Sa ngayon, mayroong 49 na kalsada at walong tulay ang hindi muna madaraanan ng mga motorista.
Habang nasa 128 na kabahayan ang winasak ng sama ng panahon, 111 dito ang partially damaged, at 17 ang totally damaged.
May mga lugar pa rin, partikular na sa Region 1 at CAR, ang wala pa ring suplay ng kuryente habang may iilan ding mga lugar ang walang suplay ng tubig at bagsak ang linya ng komunikasyon.
Samantala, nasa P10.8M na halaga ng tulong ang naipagkaloob ng pamahalaan sa mga apektadong residente.









