Umakyat na sa 74 na mga pasyente ang nakarekober sa COVID-19, 38 ang nasawi at 275 ang kumpirmado na tinamaan ng nakamamatay na sakit.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, bahagyang bumaba ang bilang ng mga suspected cases ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 sa lungsod.
Paliwnag ni Mayor Zamora, na mula sa 80 ang bilang ng hinihinalaang may taglay na kaso ng COVID-19 sa lungsod ay bumaba ng 65.
Paliwanag ng alkalde, lahat umano sila ay sumailalim na ng swab testing at nag-aantay na lang ng resulta habang naka-quarantine rin sila nang hindi makahawa sakaling magpositibo sa COVID-19.
Dagdag pa ni Zamora na nasa 40 na ang tinanggal sa listahan ng hinihinalang may kaso ng COVID-19, 36 sa kanila ay nagnegatibo, habang ang apat sa kanila ay nagpositibo ng naturang virus.
Nagpasalamat ang alkalde dahil anim na mga residente ng San Juan City na tuluyang gumaling mula sa COVID-19 kaya umakyat na ang mga narekober sa 74 at wala pa namang naidagdag sa mga namatay.
Samantala, tatlo naman ang naitalang bagong kaso.