Mahigit 700 pamilya, inilikas makaraang maglabas ng tsunami warning ang PHIVOLCS dahil sa malakas na lindol sa Taiwan

 

Isinailalim sa pre-emptive evacuation ang aabot sa 709 na pamilya makaraang maglabas ng tsunami warning alert ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) bunsod ng pagtama ng magnitude 7.5 na lindol sa Taiwan kahapon.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga inilikas na pamilya ay mula sa Ilocos Region at Cagayan Valley.

Agad ding nagsuspinde ng pasok sa eskwela ang mga paaralan sa mga bayan ng Badoc, Currimao, Pagudpud at Pasuquin sa Ilocos Norte gayun din ang mga paaralan sa limang bayan sa lalawigan ng Batanes, 12 sa Cagayan at Divilacan, Isabela.


Maging ang pasok sa mga tanggapan sa Cagayan partikular sa mga bayan ng Abulog, Ballesteros, Pamplona, Sanchez Mira, Sta. Ana at Divilacan ay pansamantalang sinuspinde kahapon.

Nabatid na agad ding inalis ng PHIVOLCS ang tsunami warning alert sa mga nabanggit na rehiyon matapos na hindi magpakita ng anumang epekto sa karagatan ang malakas na lindol na tumama sa Taiwan.

Facebook Comments