Mahigit 70,000 indibidwal, inilikas dahil sa Bagyong Ambo

Umabot na sa higit 70,000 indibidwal ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa banta ng Bagyong Ambo.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, kabilang dito ang mga pamilyang inilikas mula sa mga landslide, flood at storm surge-prone areas.

Tiniyak naman ng ahensya na nasunod ang health protocols sa pag-e-evacuate.


Ayon kay Timbal, nakasuot ng face mask ang mga evacuee habang kumpleto sa Personal Protective Equipment (PPE) ang mga tauhan ng gobyernong tumulong sa paglilikas.

Pagdating sa evacuation centers, dalawa hanggang tatlong pamilya lang ang maaaring magsama-sama sa isang kwarto.

Ang iba sa evacuees ay dinala sa mga evacuation center na hindi nagamit bilang COVID-19 isolation facilities.

Sa huling datos ng NDRRMC, aabot na sa 40,980 indibidwal ang apektado ng Bagyong Ambo sa anim na probinsya sa CALABARZON at Eastern Visayas.

Facebook Comments