Pumalo na sa 743,332 na indibidwal ang naapektuhan ng shear line sa Mindanao.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), nasa 174,375 na pamilya na ang apektado mula sa Misamis Oriental, Surigao del Sur, Agusan del Sur, Davao del Norte, Davao de Oro, Davao Oriental, Davao del Sur at Davao Occidental.
Paliwanag pa ng DSWD, dahil humupa na ang baha, umabot na lang sa 876 na pamilya o katumbas ng 2,770 na indibidwal na nasa 19 na evacuation center.
Dagdag pa ng DSWD na nasa 4,464 na pamilya o katumbas ng 16,636 na indibidwal ang namamalagi sa kanilang mga kaanak.
Uumaabot na sa 150 na bahay ang nawasak habang 419 na mga bahay ang bahagyang napinsala mula sa epekto ng shear line.
Sa kasalukuyan, aabot na sa ₱53 million na halaga ng humanitarian assistance ang naipagkaloob sa mga naapektuhan ng pagbaha at pag-ulan sa Mindanao.