Mahigit 71,000 kabataan na may comorbidity, nabakunahan na laban sa COVID-19

Umabot na sa 71,066 kabataang edad 12 hanggang 17 na may comorbidities sa bansa ang nabakunahan na kontra COVID-19.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje na maliban pa ito sa 212,271 pediatric population na nabakunahan na sa buong Pilipinas sa pagsisimula nito noong November 3.

Aminado naman si Cabotaje na may kabagalan ang pagbabakuna sa mga kabataan sa bansa, pero tiniyak na agad itong masosolusyunan dahil kumukuha pa ng buwelo ang DOH.


Sa kabuuang bilang ng nabakunahan, sinabi ni Cabotaje na 136 sa mga ito ay nakaranas ng adverse event following immunization kung saan tatlo ang seryoso.

Ang adverse event ay ang pangkaraniwang pananakit at pamumula sa injection site, mild allergies, rashes at pananakit ng ulo.

Samantala, target ng gobyerno na mabakunahan ang 80% ng target na 12 milyong kabataan hanggang sa katapusan ng taon.

Facebook Comments