Aabot sa mahigit 7,700 na online gaming websites ang sinisikap na i-shutdown ngayon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco na mula nang maupo siya sa tanggapan ay nai-report nila ang nasa 7,747 na illegal operators ng mga online games sa mga awtoridad.
Ayon naman kay PAGCOR Senior Vice President Raul Villanueva, mula pa noong Setyembre 2022 ay mino-monitor na nila ang lahat ng illegal sites hindi lamang ang mga illegal na online games kundi kasama rin dito ang e-sabong, facebook ads, mobile applications, offshore sites at mga spam messages tulad sa telegram chats kung saan nag-a-advertise doon ng mga illegal game.
Sa bilang na ito, 5,793 o 74.78 percent ang naipa-blocked ng PAGCOR habang nasa 1,954 na illegal online gaming websites pa ang aktibo.
Dalawang paraan aniya ang ginagamit nila para tuluyang masawata ang mga illegal na e-games, ito ay ang pag-block sa mismong website o sa uniform resource locators (URLs) at payment blocking.
Sa payment blocking aniya ay nakipagugnayan na ang PAGCOR sa Gcash at Maya habang lumapit na rin ang ahensya sa Google at Apple para ipa-shutdown o ipaalis sa kanilang mga play store ang mga application ng mga illegal na online gaming site.