Nakapamahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit 8 milyong family food packs (FFPs) sa 6,864,735 na pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad nitong 2024 ayon sa ulat ng ahensya kahapon.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Disaster Response and Management Group (DRMG) Irene Dumlao na ang naipamahaging FFPs sa taong 2024 ay bahagi ng 10 milyong FFPs na kanilang na-produce sa kanilang Resource Operations Centers sa lungsod ng Pasay at Lungsod ng Mandaue sa Probinsya ng Cebu.
Bukod sa FFPs, nakapamahagi ang DWSD ng non-food items (FNFIs) sa mga apektado ng mga kalamidad sa halos 7 milyong pamilya.
Inihayag din ni Asec. Dumlao na ang ganitong kalaking bilang ng FFPs na naipamahagi ay resulta ng mas pinaigting na disaster response operations at mas pinatibay na kolaborasyon sa mga partner-agencies na nakatulong sa pag-abot ng tulong sa ibang apektadong pamilya.
Dagdag pa ng kalihim na dahil sa paghagupit ng sunod-sunod ng mga Bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel, at Pepito, at sa pagsabog din ng Bulkang Kanlaon, tumaas ang bilang ng mga apektadong pamilyang nahandugan ng tulong ng DSWD.
Kaugnay nito, nakapagbigay rin ang DSWD ng tulong sa 524,334 na pamilya para sa programang Cash-for-Work (CFW), Food-for-Work (FFW), at Emergency Cash Transfer (ECT).