Mahigit 80 libong pamilya, maaapektuhan ng PNR project; Right of way budget para sa mga maaapektuhang pamilya, pinatitiyak sa DOTr

Manila, Philippines – Inamin ng Department of Transportation sa budget hearing sa Kamara na aabot sa libu-libong pamilya ang maaapektuhan ng itatayong PNR North and South Rail Project.

Sa oras na masimulan ang pagpapagawa ng nasabing railway system ay dadaan ito sa Manila to Los Baños, Calamba to Batangas, kahabaan ng Quezon Province, Sorsogon at Camarines Sur.

Binusisi ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang item for resettlement sa itatayong PNR na nangangahulugang may mga pamilya ang malilipat ng tirahan.


Ayon kay DOTR Sec. Arthur Tugade, aabot sa humigit kumulang 82,000 ang mga pamilyang matatamaan ng 7 Bilyong pisong PNR North and South project.

Kasama na sa pondo ang Right of Way Payments para sa mga residenteng maaapektuhan dahil kukunin ang kanilang lupa.

Pero, hindi tulad sa DPWH na ang Right of Way Payment ay may probisyong sinusunod kung saan kailangang magsumite ng requirement bago ma-release ang pondo, ang DOTr ay walang ganito.

Bukod dito, hinihingi din ni Tinio kay Tugade ang bilang ng mga pamilyang maaapektuhan naman ng MindaRail project.

Kinalampag ng kongresista ang ahensya na bago maisakatuparan ang mga proyekto ay dapat may tiyak na plano para sa mga maapektuhan nito.

Facebook Comments