Matagumpay na nakakumpiska ng 85 iba’t ibang klase ng armas ang mga tauhan ng San Juan City Police kaugnay sa kanilang kampanya na ‘Oplan Katok’ kung saan kinukumpiska ang mga hindi lisensiyadong baril.
Iprinisenta nina San Juan City Mayor Francis Zamora at Easter Police District Director, PBGen. Johnson Almazan ang mga iba’t ibang klase ng armas na sinurender sa kanila kung saan ang mga pulis ay nagbahay-bahay upang bisitahin ang mga may-ari ng baril na hindi lisensiyado, hindi pa nare-renew ang permit o kaya’y nagtatago ng mga armas sa kanilang mga tahanan.
Paliwanag ng alkalde, simula noong nakaraang Enero nang simulan nila ang programa.
Ang naturang kampanya ng Philippine National Police ay bahagi ng Peace and Order Program ng San Juan City Government.
Hinikayat naman ng San Juan Police ang mga gun owners na i-renew ang kanilang mga armas anim na buwan bago mapaso ang lisensiya ng kanilang baril para maiwasan ang revocation ng registration of firearm and perpetual disqualification mula sa pag-apply ng lisensiya ng baril alinsunod sa Section 19 ng RA 10591.