Masayang ibinalita ni Pasig City Mayor Vico Sotto na umabot na sa 83 ang pasyente na gumaling sa pakikipaglaban sa COVID-19 sa Lungsod ng Pasig.
Ayon kay Mayor Sotto, bagama’t mayroong 57 ang nasawi at umaabot naman sa 320 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pasig, natutuwa pa rin ang alkalde dahil mas marami ang bilang ng mga gumagaling kaysa mga nasawi.
Paliwanag ng alkalde, malaki ang naiaambag ng mga frontliners lalo na ang mga doktor at nurse sa kanilang kabayanihang ipinamalas upang matulungan at maalagaan ang mga nadadapuan ng nakamamatay na virus.
Umaasa si Sotto na madadagdagan pa ang bilang ng mga gumagaling sa COVID-19 sa pakikipagtulungan ng lahat ng mga frontliner na walang sawang tumutulong upang tuluyan nang gumaling ang mga nahahawaan ng COVID-19.