Hinuli ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang 831 pampublikong sasakyan na lumabag sa public transport ban simula nang ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) nitong March 17.
Ayon Kay PNP-HPG Director Brigadier General Eliso Cruz, ang mga sasakyang nahuli ay kinabibilangan ng 521 taxis, 42 buses, 25 vans, 49 jeeps at 194 tricycles.
Matatandaang nitong nakaraang araw ay halos 600 mga taxi ang na flag-down ng HPG sa kahabaan ng EDSA, pero pinauwi din ang mga ito matapos na kunan ng litrato ang mga sasakyan, rehistro, at lisensya ng driver.
Sinabi ni Cruz, sa ngayon inihahanda na ng HPG ang kaukulang reklamo laban sa mga ito sa LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board, para sa posibleng suspensyon o kanselasyon ng mga prankisa ng mga operator ng naturang mga sasakyan.