
Tiniyak ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makakasakay at makakauwi ng maginhawa sa kanilang mga probinsiya ang ating mga kababayan para sa Undas 2025.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, kasunod na rin ito ng pag-apruba nila sa special permits para sa 847 units ng pampasaherong bus na bibiyahe sa exodus ng All Saints’ at All Souls’ Days.
Sakop ng mga special permits ang 124 ruta sa Metro Manila at Luzon, at karamihan sa mga ito ay manggagaling sa mga bus terminals at transport hubs sa National Capital Region.
Nasa 189 units ang may biyaheng mula Metro Manila patungong Southern Luzon, partikular sa Calabarzon at Mimaropa; 491 units para sa Metro Manila patungong Northern Luzon; at 67 units na may biyaheng mula Metro Manila patungong Bicol Region.
Naaprubahan din ang karagdagang 18 bus para sa Metro Manila-Eastern Visayas route; 21 para sa Metro Manila-Western Visayas; at 5 bus patungong Mindanao mula Manila.
Samantala, mayroon ding 56 na karagdagang unit na naaprubahan para sa iba pang lugar sa Luzon, ngunit hindi kasama ang mga ruta patungong Metro Manila.
Ayon sa LTFRB, asahan ang pagsisimula ng “Undas” exodus ngayong weekend, dahil ilan na rin sa mga eskuwelahan ang nagdeklara ng wellness break simula Lunes, October 27.









