Inirekomenda ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagdinig sa Kamara na i-award na lamang ng United Nations Development Programme (UNDP) ang mga free Wi-Fi site na naitayo sa bansa sa ilalim ng Phase 1 project.
Noong 2018 ay kumontrata ang DICT sa UNDP na maglagay ng 6,000 free Wi-Fi sites sa bansa na hinati naman sa tatlong phase.
Ngunit, pumalya ang contractor ng UNDP na Speedcast na ma-i-deliver ang 3,000 sites sa ilalim ng Phase 1 at sa halip ay 882 free Wi-Fi sites lamang ang natapos.
Dahil tinapos na lamang ang contract para sa Phase 1 ay hinahanapan ng paraan ngayon ng DICT na maipagpatuloy pa ang operasyon ng mga site upang hindi masayang.
Sinabi ni DICT Undersecretary Manny Caintic sa Committee on Good Government and Public Accountability panel na pinag-aralan nilang mapagkasunduan ng UNDP na ibigay na lamang ang mga natapos na Wi-Fi sites sa local contractor dahil ito ay installed at operational na rin.
Samantala, hindi na itutuloy ang Phase 2 at ang $5.88 million na ibinayad ay naibalik na ng UNDP sa Bureau of Treasury (BTr).
Tuloy naman ang Phase 3 ng pagtatayo ng 1,000 Wi-Fi sites na katumbas ng $2.967 million at ang proyekto ay ini-award na sa PLDT noong Abril.