Inihayag ng pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mula Hulyo 1, 2016 hanggang Disyembre 28, 2018 abot sa 8,367 komunistang rebelde ang nagbalik-loob na sa Pamahalaan.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, sa nasabing bilang 1,117 dating rebelde ang nabigyan na ng benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP program, isa sa mga pangunahing components ng ‘Inter-Agency Task Force Balik Loob Program’.
Paliwanag ni Año, naging matagumpay ang programa ng pamahalaan saan mang dako ng bansa kaya at hinihikayat pa nito ang iba pang rebelde na isuko na ang kanilang armas at samantalahin ang alok ng pamahalaan.
Sa bilang na 8,367 rebel surrenderees, 1,207 ay pawang mga armed NPA regulars habang ang iba naman ay mga militar ng bayan, sangay ng partido sa lokal at underground mass activists.
Mula noong nakalipas na Disyembre 21 kabuuang 1,117 dating rebelde ang binigyan na ng financial assistance na karamihan ay mula sa Davao Region kung saan 361 ay naging benepisyaryo na ng programa.
Sinundan ito ng Soccskargen na may 166 benepisyaryo at Caraga na may 149.
Giit pa ng kalihim ang pagbuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ni Pangulong Rodrigo Duterte ay makahikayat pa ng maraming rebelde na susuko dahil nakatuon ito sa localized peace engagements.