Aabot sa 8,373 na mangingisda sa Ilocos Region ang makatatanggap ng tig-PHP3,000 na fuel subsidy mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Ilocos.
Ayon sa ahensya, kwalipikado ang mga rehistradong mangingisda sa Fisherfolk Registration System (FishR) na may lisensyadong motorized banca at gumagamit ng legal na kagamitan sa pangingisda. Sa kasalukuyan, nasa 2,080 ang nakahanda nang ipamahagi.
Layunin ng programa na matulungan ang mga mangingisda sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Magagamit ang mga card sa mga accredited fuel stations para sa pagbili ng gasolina.
Samantala, iniulat din ng BFAR na tumaas ng 4% ang produksyon ng isda sa rehiyon sa unang kalahati ng taon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Umabot ito sa kabuuang 83,439 metric tons (MT), kung saan 66,187 MT ay mula sa aquaculture. Kabilang sa mga pangunahing produkto ay milkfish, tilapia, at hipon.
Ang anunsyo ay isinabay sa pagbubukas ng Fish Conservation Week sa San Fernando City, La Union bilang bahagi ng taunang selebrasyon sa kahalagahan ng yamang-dagat sa kabuhayan ng mga Pilipino. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









