Nakauwi na sa bansa ang mahigit 80,000 stranded Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Arriola na 25,777 stranded OFWs na ang nakauwi ng bansa sa nakalipas na mahigit dalawang linggo mula sa 60 bansa at 132 cruise ships.
Hanggang kahapon naman, Hulyo 13, 2020, sinabi ni Arriola na aabot sa kabuuang 82,057 na ang mga repatriated OFWs kung saan 38,308 dito ang sea-based at 43,749 naman ang land-based.
Resulta aniya ito ng patuloy na pagkalampag ng Kamara sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa nakalipas na mga araw na payagan ang paglapag ng mas maraming charter flights sa bansa kasunod nang pagluwag sa quarantine protocols noong nakaraang buwan.
Samantala, umapela naman ang DFA sa mga OFWs sa United Arab Emirates (UAE) na agad makipag-ugnayan sa embahada ng bansa para matulungang mapauwi sa Pilipinas matapos na sabihin ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Jonathan Sy-Alvarado na sinisingil na ng overstaying fees ang mga stranded OFWs doon.