Mahigit 81,000 indibidwal apektado ng nagdaang Bagyong Mirasol at habagat

Nadagdagan pa ang bilang ng mga naapektuhan ng pinagsamang epekto ng habagat at nagdaang Bagyong Mirasol.

Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sumampa na sa 22,101 pamilya o katumbas ng mahigit 81,000 indibidwal ang naapektuhan ng sama ng panahon.

Ayon pa sa NDRRMC, ang mga naapektuhan ay mula sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Gitnang Luzon, Bicol Region, at Western Visayas.

Samantala, mayroong dalawang kalsada at limang tulay ang pansamantalang hindi madaanan ng mga motorista partikular na sa Region 2.

Nakapagtala rin ng 16 na kabahayan na winasak ng sama ng panahon kung saan 11 ang partially damaged habang lima ang totally damaged.

Wala namang naiulat na nasawi at nasugatan pero mayroong isang nawawala na patuloy pang bineberipika.

Kaugnay nito, nasa mahigit ₱2.3 milyon na halaga ng ayuda ang naipagkaloob ng pamahalaan sa mga apektadong residente.

Facebook Comments