Mahigit 8K na mga reklamo natanggap ng PNP vs scammers mula Enero-Agosto 2023

Aabot sa mahigit walong libong reklamo tungkol sa scams ang natanggap ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).

Sa pagdinig ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, napag-alaman na mula Enero hanggang Agosto 2023 ay umabot na sa 8,609 na reklamo patungkol sa scam at online attacks na katumbas ng halagang ₱155-M ang naitala ng PNP-ACG.

Kabilang sa mga naitalang modus ng mga awtoridad ang online selling scam, investment scam, ATM fraud/phishing, call scam/vishing, employment scam, loan scam, package scam, hijack profile, accommodation scam at love scam.


Sa mga scam na ito, pinakamarami ang nabibiktima sa online selling scam na umabot sa 3,615 ang reklamo at may katumbas na halagang naloko na aabot sa mahigit ₱68.8-M.

Pinaka-karaniwang edad ng mga nabibiktima ng mga nabanggit na scam ay nasa edad 21 hanggang 40 taong gulang na walang trabaho at self-employed at karamihan pa ay mga babae na nasa 61% habang 39% sa mga lalaki.

Pinakatalamak din ang pambibiktima ng scam sa Facebook/Messenger na nasa mahigit 6,700, sinundan ng WhatsApp, Telegram, Instagram, SMS at iba pang social media platform at mga delivery applications.

Nangunguna naman sa ginagamit ng mga scammers na ‘mode of payment’ ang Gcash, na sinundan ng mga bangko, online payment apps at iba pang financial institutions.

Aminado naman si PNP-ACG PBGen. Sidney Hernia na hindi sila tuluyang makapagsampa ng kaso dahil kapag natukoy na nila ang numero na gamit ng nanloloko sa huli ay lumalabas na ‘fictitious account’ o gawa-gawa lamang ito.

Bukod dito, mahirap din aniya ang prosesong kailangang pagdaanan para makuha ang mga kinakailangang datos mula sa mga bangko at financial institutions kaya sa huli ay umaatras na lamang ang mga biktima sa pagsasampa ng kaso.

Facebook Comments