Mahigit 90 porsyento na Yellow at Red Alerts bunga ng hindi planado o emergency shutdowns ng mga planta ng kuryente

96.6 percent o 226 sa 234 na naitalang system yellow at red alerts mula 2016 hanggang 2023 ay dahil sa “generation issues” tulad ng hindi planado o emergency shutdowns ng mga planta ng kuryente.

Base ito sa presentasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagdinig ng House Committee on Energy na pinamumunuan ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Lumabas sa pagdinig na noong April 16 ay isinailalim sa Yellow at Red Alerts ang Luzon at Visayas grid matapos ang shutdown ng mga planta na ang 90% ay unplanned at 10% lamang ang planado.


Diin ni Congressman Velasco, malinaw na may problema sa kuryente pero isang malaking tanong kung bakit sa loob ng ilang dekada ay hindi pa rin ito nareresolba at patuloy pa rin na nagkakaroon ng yellow at red alerts.

Bunsod nito ay hindi maiwasan ni Velasco na maghinala na posibleng mayroong kumikita o nagsasamantala dahil tumataas ang presyo ng kuryente sa tuwing numinipis ang suplay nito.

Kaya naman giit ni Velasco, dapat maparusahan ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga planta ng kuryente na sumablay sa pagbibigay ng inaasahang suplay ng kuryente.

Facebook Comments