Pinalalakas pa ng gobyerno ang pagsasakatuparaan ng farm to market roads, sa iba’t ibang panig ng bansa, kahit pa balakid sa pagkumpleto nito ang panggugulo ng New People’s Army (NPA).
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Ernesto Torres Jr., na nitong 2022, nasa 846 na farm-to-market roads ang target ng gobyerno.
16% pa lamang aniya ang nakumpleto dito dahil na sa iba’t ibang factors, tulad ng pagtama ng COVID-19 pandemic.
Umaasa si Torres na tataas ang porsyentong ito, lalo’t nakatutok ang gobyerno sa pagsasakatuparan ng mga farm-to-market roads na nasa ilalim ng 2022 projects.
Ngayong 2023, isinasapinal na lamang nila ang listahan para sa proyekto kung saan inaasahan na nasa higit 959 na barangay ang makikinabang sa oras na maisakatuparan na ito.