Mahigit 900 mga kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka, kumita ng mahigit P2-B simula nang umpisahan ang Kadiwa noong 2019 – DA

Kumita nang aabot sa P2.38 bilyon ang 931 na mga kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka sa bansa mula ang simulan ang Kadiwa na proyekto ng Department of Agriculture (DA) noong 2019.

Batay ito sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO).

Ayon sa PCO, isa sa mga kooperatiba na kumita nang malaki dahil sa Kadiwa ay ang Sta. Ana Agricultural Multi-Purpose Cooperative o MPC na matagal nang partner ng DA na kumita ng average annual sale na P500,000 mula nang sumali sa DA Kadiwa Marketing Program.


Ang Sta. Ana Agricultural MPC ay nakabase sa Candaba, Pampanga na regular na nakikiisa sa Kadiwa markets sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, Zambales at Pampanga.

Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siya ring kalihim ng DA na pararamihin ang mga Kadiwa sa bansa para kahit sa mga malalayong lugar sa Pilipinas ay makabili sa mga Kadiwa.

Binuksan ang Kadiwa stores upang kahit papaano’y matulungan ang mga Pilipino na makabili nang mas murang mga pangunahing bilihin sa harap nang tumataas na presyo pa rin ng mga bilihin.

Facebook Comments