Umabot na sa mahigit 900 na pamilya ang inilikas sa Maynila dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng lungsod, nananatili ang mga ito sa iba’t ibang evacuation centers kabilang na sa Delpan Evacuation Center na isa sa pinakamaraming tumutuloy ngayon.
Nagmula ang mga ito sa low-lying areas tulad ng Isla Puting Bato, Parola at iba pang mga lugar na malapit sa dalampasigan.
Patuloy naman ang ginagawang validation ng Manila Social Welfare and Development sa kabuuang bilang ng evacuees, namahagi na rin sila ng mga portable shelter, pagkain, at prophylaxis para sa mga residente na lumusong sa baha.
Kanina rin nang personal na bisitahin ni Mayor Honey Lacuna ang mga inilikas sa Delpan.
Karamihan sa mga evacuee rito ay pinasok ng tubig ang bahay at ang iba ay tuluyang nawasak dahil sa malakas na alon mula sa Manila Bay.