Aabot sa 9,162 na mga security forces ang ipapakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Metro Manila para sa State Of The Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay NCRPO Chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar, 7,353 ay mga pulis na magmumula sa NCRPO, 1,100 galing sa police regional offices, 300 sa Armed Forces of the Philippines Joint Task Force-National Capital Region at 404 naman sa mga government agencies.
Sinabi pa ni Eleazar na siya mismo ang direktang magsu-supervise sa preparasyon ng seguridad sa SONA ng pangulo at magsasagawa siya ng inspeksyon sa Commonwealth Avenue at IBP Road papunta sa House of Representatives sa mga susunod na araw.
Naging maayos din ang pakikipag-usap ni Eleazar sa mga lider ng magkikilos protesta at nagkasundo sila na isagawa ito malapit sa St. Peter Parish sa Commonwealth Avenue.
Bukod sa pagbabantay sa mga bisinidad ng House of Representatives, sinisiguro din ni Eleazar na magdedeploy sila ng mga tauhan sa mga malls, simbahan, terminals, airport, seaport, Mendiola, US Embassy at sa EDSA shrine.