Nakatakdang ibiyahe ngayong umaga patungong Davao City ang 92,430 doses na bakunang Pfizer kung saan unang ibinaba sa Cebu ang 51,480 doses ng naturang bakuna.
Una rito, ang kabuuang 728,910 doses na karagdagang Pfizer COVID-19 vaccine ang dumating na kagabi sa bansa.
Ang mga naturang bakuna ay sakay ng Air Hong Kong flight LD 456 na dumating pasado alas-9:00 kagabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer and Vaccine Czar Secretary Carlito G. Galvez, inaasahan na mas marami pang COVID-19 Pfizer vaccines ang dadating sa susunod na buwan ng Oktubre.
Dagdag pa ni Galvez, nasa kabuang 66.9 milyong doses na ng bakuna laban sa COVID-19 ang tinanggap na ng Pilipinas simula Pebrero, 2021.
Paliwanag pa ni Galvez, ito ay itinuturing na matagumpay ang ginawang bakunahan sa Metro Manila kung saan umabot na sa 86% na populasyon dito ay tumanggap na ng first dose habang nasa 66% naman ang nasa second dose.
Target ng pamahalaan na bago matapos ang buwan ng Oktubre ay makamit na ang 80% sa Metro Manila, Davao at Cebu ang bakunado na.
Tinututukan na rin ngayon ang Region 3 at Region 4A kung saan target naman na mapantayan nito ang mga major city ng kanilang vaccination program.