Sa ikalawang araw na election summit ng Commission on Elections o COMELEC, inihayag ni COMELEC Chairman George Garcia na posibleng hindi na magamit pa ang nasa higit 90,000 na vote counting machines o VCMs na ginamit sa nagdaang halalan.
Ayon kay Garcia, hindi na pabor pa ang mga miyembro ng COMELEC en banc na gamitin pa sa susunod na mga halalan 98,000 na VCM kung saan ayaw nilang lumabas na kahiya-hiya sakaling magkaroon ng aberya sa 2025.
Dagdag pa ni Garcia, kaya hindi nagpalit ng VCMs ang COMELEC nitong nagdaang 2022 elections ay dahil sa kawalan na rin ng sapat na pondo.
Aniya, gumagana pa naman ang VCMs pero maigi na rin na mapalitan ang mga ito upang walang mangyaring sisihan sakaling magkaroon ng problema.
Dagdag pa ni Garcia, isa sa nakikita nilang paraan ay umarkila na lamang ng mga makina dahil mas mapapamahal ang COMELEC kapag bibili ng mga bagong makina.
Bukod dito, magkakaroon din ng karagdagang gastos sa warehouse at maintenance ng nasabing makina.