Nakapag-deklara ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 ng kabuuang 2,421 na barangay na itinuturing na drug- cleared mula sa 2,929 na drug-affected barangays sa Ilocos Region nitong Disyembre 2022.
Sa isang panayam, sinabi ni PDEA Ilocos Regional Information Officer Mariepe De Guzman na nasa 508 barangay, o 15.55 porsiyento pa rin ang apektado ng droga sa rehiyon.
Aniya, sa kabuuang bilang ng drug-cleared barangays, naitala ang 1,089 na barangays mula sa Pangasinan, 456 sa La Union, 465 sa Ilocos Sur, at 411 sa Ilocos Norte habang mayroon pang natitirang 183 na barangays sa Pangasinan, 45 sa La Union, 166 sa Ilocos Sur, at 114 sa Ilocos Norte ang mga barangay na apektado pa rin ng droga at hindi pa nalilinis.
Dagdag pa ni De Guzman na nakapagsagawa sila ng 22 high-impact operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 83 high-value target kung saan nakumpiska ng ahensya ang nasa 638.54 kilo ng shabu at 1,505 kilo ng marijuana noong 2022 na nagkakahalaga ng PHP 2.7 bilyon.
Nakapagsagawa naman ang PDEA ng kabuuang 1,746 na operasyon kasama ang iba pang law enforcement agencies na nag-resulta sa pagkakaaresto sa 832 suspek at naisampa ang 1,546 na kaso.
Samantala, mayroon na ngayong kabuuang 34 Balay Silangan reformation centers sa rehiyon ang operational kung saan mayroong 11 na Balay Silangan sa Ilocos Norte, walo (8) sa Ilocos Sur, pito (7) sa La Union at Pangasinan, at isang regional center.
Umabot naman sa 434 na indibidwal ang sumuko at nagtapos sa mga reformation activities noong 2022. |ifmnews
Facebook Comments