Mahigit isang bilyong puslit na sigarilyo, sinira ng BOC

Sinira ng Bureau of Customs (BOC) ang 19,419 cases at 667 reams ng mga puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.43 bilyon na nakumpiska sa mga operasyon sa Port of Zamboanga.

Ang naturang kontrabando ay nasamsam sa mga isinagawang anti-smuggling operations sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi sa unang quarter ng 2023.

Ginawa ang pagsira sa mga sigarilyo sa isang inuupahang bodega ng BOC sa Barangay Baliwasan, Zamboanga City.


Ayon kay Port of Zamboanga acting District Collector Engr. Arthur Sevilla Jr., ito na ang pinakamalaking pagsira sa mga nakumpiskang sigarilyo sa Port of Zamboanga.

Resulta na rin ito ng mga nasasalakay na bodega sa Indanan, Sulu na halos puno ng smuggled na sigarilyo.

Ang mga sigarilyo ay binabad sa tubig at saka dinurog ng payloader na sinaksihan ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan at stakeholders.

Ang mga sinirang sigarilyo ay itatapon naman sa isang sanitary landfill.

Facebook Comments