Manila, Philippines – Pinaghuhuli ng Parañaque City Police ang mahigit isang daan katao kabilang ang ilang menor de edad sa ikinasang “one time, bigtime” operation kagabi sa Barangay Tambo at Sto. Nino.
Ayon kay City Police Chief Sr. Supt. Jemar Modequillo, tatlumpu’t tatlo sa mga ito ay mga menor de edad habang limampu ang mga naaktuhang umiinom sa mga pampublikong lugar.
Siyam na wanted person naman ang inaresto habang may labing apat na lalaki ring dinampot dahil sa paglabag sa anti-half naked ordinance.
May labing lima ring motorsiklo ang kinumpiska dahil sa wàlang maipakitang dokumento nang sitahin ng mga pulis.
Sa halip na kasuhan, ang mga nahuling nag-iinuman sa kalsada at nakahubad ng pang itaas ay pinag-push up nalang habang ang mga batang lumabag sa curfew hours ay dinala sa DSWD.
Sinabi ni Modequillo na isinagawa ang mga operasyon bilang bahagi na rin ng pinaigting na kampanya ng lokal na pulisya laban sa kriminalidad.
Facebook Comments