*Ilagan City, Isabela- *Muntik nang maabot ng pamahalaang Lungsod ng Ilagan ang kanilang target na bilang ng units o bags ng dugo sa kanilang isinagawang Bloodletting activity kahapon sa Lungsod.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng City of Ilagan, target nila na makalikom ng mahigit 1500 blood units subalit nagpapasalamat pa rin ito dahil mayroong silang kabuuang nalikom na 1,411 bag ng dugo.
Lagpas pa sana anya sa kanilang target na bilang kung hindi nagkulang ng blood bags kung saan mayroon pa aniyang mahigit 200 na blood donors ang naghintay na hindi na nakuhanan.
Ito ay tulong anya sa mga pasyenteng Ilagueño na nangangailangan ng dugo.
Ang nasabing aktibidad ay nagsimula bandang alas sais ng umaga hanggang alas otso y medya kagabi.
Dagdag pa ni Ginoong Bacungan na natatangi lamang ang Lungsod ng Ilagan sa rehiyon dos dahil sa may pinakamaraming nalilikom na units ng dugo sa loob lamang ng isang araw at iisang lugar.
Nagpapasalamat naman ito sa lahat ng mga nakiisa at nagdonate ng dugo katuwang ang CVMC dahil maayos at matagumpay na natapos ang nasabing bloodletting activity.