Mahigit kalahati pa mula sa 9,297 trabahong binuksan para sa mga healthcare workers sa ilalim ng COVID-19 Emergency Hiring Program ang hindi pa napupunan.
Sa ibinahaging ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso, lumabas na 41% lamang o katumbas ng 3,807 healthcare workers ang na-hire hanggang noong June 13.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ilan sa mga “bottleneck” o problema sa pagha-hire ng healthcare workers ay ang kawalan ng takers sa ilang posisyon gaya ng physicians.
Ilan din sa mga aplikante ay mayroong private practice at hindi kayang magkompromiso.
May ilan din na nag-backout dahil sa layo ng pasilidad mula sa kanilang bahay, kawalan ng maaasahang transportasyon, kakulangan ng accomodation at pag-aalala sa kanilang pamilya.
Pero ayon kay Duque, nakikipag-ugnayan na sila sa Centers for Health Development, mga ospital at iba pang health facilities para resolbahin ang problema.
Samantala, sa kabila ng kakulangan sa medical frontliners sa Pilipinas, isinusulong ngayon ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang deployment ng mga Filipino health workers sa abroad.
Naniniwala ang kalihim na ang pagtatrabaho ng mga Pinoy health workers sa abroad ay makakatulong para mabahagingan agad ang Pilipinas ng COVID-19 vaccine oras na ma-develop na ito sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan.